-- Advertisements --
bucor 2nd riot 2
Photo courtesy of Bureau of Corrections (BuCor)

Isasama na rin ng Department of Justice (DOJ) ang mga opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor) sa kanilang gagawing imbestigasyon kasunod ng isa na namang riot na sumiklab sa loob ng New Bilibid Prisons.

Sa naturang kaguluhan na nangyari kaninang alas-8:39 ng umaga sa East Quadrant ng Maximum Security Compound, umabot sa tatlong preso ang namatay habang 64 iba pa ang sugatan.

Tumagal ang riot hanggang dakong alas-10:00 ng umaga.

Ayon kay DOJ Sec. Menardo Guevarra, sisilipin kung may kapabayaan ba sa panig ng BuCor kaugnay sa ikalawang riot.

“Definitely. These BuCor officials should have learned their lesson from the previous violent incident where several Persons Deprived of Liberty (PDLs) were killed,” wika ni Guevarra.

Kasabay nito, pinagsusumite na ni Guevarra ang BuCor ng ulat patungkol sa insidente.

Sinabi pa ng kalihim, aatasan nito ang National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng parallel investigation o palawakin pa ang nagpapatuloy nitong pagsisiyasat kaugnay sa naunang riot.

Ayon naman kay BuCor spokesperson Gabriel Chaclag, inilagay na rin sa red alert ang iba pang mga penal colonies sa bansa para tiyakin ang peace and order sa kani-kanilang area of responsibility.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, nakaupo lamang ang isang miyembro ng Commando Gang nang bigla itong saksakin ng kasapi ng karibal na Sputnik Gang.

Nang rumesponde ang mga tauhan ng BuCor at SWAT, pinaulanan sila ng pana at pinaputukan pa gamit ang isang improvised gun.

Pito sa mahigit 60 sugatan ang dinala sa Ospital ng Muntinlupa para sa atensyong medikal.

May ilan din aniyang miyembro ng Operating Team na kaagad rumesponde sa insidente ang nagtamo ng minor injuries habang sinusupil ang komosyon.

Sa ngayon, sinabi ni Chaclag na nagpapatuloy pa ang clearing operations sa lugar.

Tiniyak naman ng BuCor na bibigyan ng kaukulang disciplinary measures ang mapapatunayang nasa likod ng gulo.