ZAMBOANGA CITY – Nilinaw ng Zamboanga City Police Office na walang naganap na abduction sa lungsod, na taliwas sa kumakalat sa social media sa pagkakadukot sa isang guro na residente ng nasabing lugar.
Sa pahayag ni ZCPO spokesperson P/Cpt. Edwin Duco, kinilala ang nasabing missing person na si Rosina Singua, 58-anyos, isang guro, residente ng Brgy. Culianan, siyudad ng Zamboanga.
Ayon sa impormasyong nakalap ng Star FM Zamboanga, nagpaalam si Singua na sasama sa isang kaibigan na si “Ems” na pupunta sa Dipolog para dumalo sa isang kasal.
Makalipas ang ilang araw ay laking gulat na lamang ng pamilya ni Singua na nakatanggap ng tawag mula sa Jolo na nagpakilalang mga kidnapper na nagde-demand ng pera kapalit ng buhay ni Singua.
Sa ngayon ay patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing report kung talaga bang dinukot ang nasabing guro o ito ay isa lamang report ng isang missing person.