Mas nalalantad na ang umano’y koneksyon ng pamilya Yang sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators o POGO at Chinese criminal syndicates matapos na maaresto si Tony Yang, ang nakatatandang kapatid ni Michael Yang.
Ayon kay Hontiveros, ang pagkaaresto kay Tony Yang na wanted sa China dahil sa financial scamming ay magbibigay daan para sa pagtatatag ng kanyang mga koneksyon sa POGOs katulad ng kanyang kapatid na si Michael at Hongjiang.
Mas malinaw na aniya ngayon na ang negosyo ng kanilang pamilya ay isang malawakang sindikato ng krimen na nag-operate sa bansa nang matagal na panahon at nambiktima nang marami.
Inihayag ni Hontiveros na si Hongjiang Yang, sa pamamagitan ng kanyang joint account sa Hongsheng incorporator na si Yu Zheng Can, ay may mga direktang transaksyon sa Baofu Land Development, Inc., na nagho-host sa Hongsheng at Zun Yuan POGO na nauugnay kay Alice Guo.
Paalala ng senadora na incorporator din si Hongjiang ng Philippine Fullwin Group of Companies, kung saan presidente si Michael Yang at corporate secretary naman ang isang Gerald Cruz.
Dagdag pa, si Gerald Cruz aniya ay corporate secretary din sa Pharmally Biological, kung saan may shares si Michael Yang. Incorporator rin siya ng Brickhartz POGO, na ang papeles ay natagpuan sa Bamban.
Nanindigan si Hontiveros na malabong nagkataon lamang na pare-pareho ang ginagawa ng magkakapatid na Yang
May mga indikasyon aniya na ang corporate layering at ang mga krimen na kanilang ginawa sa pamamagitan ng mga entity na ito ay maaaring bahagi ng kanilang modus operandi.