BAGUIO CITY – Arestado ang pinaniniwalaang lider at tatlong miyembro ng isang criminal group na nambiktima ng maraming mga negosyante sa lungsod ng Baguio sa pamamagitan ng investment fraud.
Resulta ito ng manhunt operation ng mga operatiba ng Baguio City Police Office (BCPO) para mahuli ang mga utak ng Phoenix Blitz Criminal Gang sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng dalawang hukom sa Baguio City.
Unang nahuli sa Sindalan, San Fernando, Pampanga at tatlong miyembro ng grupo na sina Junilyn Dabalos, 44; Ronaldo Agsalud, 46 at Joselito Picarzos, 63, habang sunod na nahuli sa follow-up operation sa kaparehong lugar ang lider nila na si Grace Decano De Guzman, 58.
Batay sa report ng BCPO, nagsimula ang operaton ng Phoenix Blitz sa Baguio City noong Abril 2018 at biktima nila ay mga negosyante at mga online seller networking groups kung saan nakalikom sila ng aabot sa P4.5-milyon.
Sinasabing nahikayat ng grupo ang mga investors na mamuhunan sa kanila kapalit ng 30% return on investment sa loob lamang ng isang buwan kung saan ang kanilang perang ipinuhunan ay nailagay sa foreign exchange market.
Gayunman, kinasuhan ng mga investors ang grupo matapos mabigo ang mga itong ibalik ang pera nila.
Nahaharap ang mga suspek na sina De Guzman, Dabalos at Agsalud ng 10 bilang ng estafa habang nahaharap si Picarzos ng anim na bilang ng estafa.
Gayunman, aabot sa P560,000 ang piyansa ng bawat isa sa mga suspek.
Sa rekord, si De Guzman ay No.1 Top Most Wanted Person (TMWP) ng BCPO-Station 2.
Samantala, si Dabalos ay No. 8 TMWP; si Agsalud ay No. 9 TMWP at si Picarzos ay 10 TMWP ng BCPO-Station 8.