Kinuwestiyon ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa ang umano’y mabagal na delivery ng mga body cameras para sa mga kasapi ng PNP.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, tinanong ni Dela Rosa ang mga miyembro ng PNP kung ilang body cameras na ang naisyu.
Tugon naman ni PBGen. Herminio Tadeo Jr. na ide-deliver na raw ang mga body cams.
“I was informed that these body-worn cameras are for delivery na raw. And we will inform on the status pag na-deliver,” wika ni Tadeo.
Sinabi naman ng senador na dati ring hepe ng PNP kay Tadeo na pabilisin ang delivery ng naturang mga equipment.
“Panahon ko pa ‘yun. Pumasok si Gen. [Oscar] Albayalde, sumunod si Gen. [Archie] Gamboa, then Gen. [Camilo] Cascolan, and now Gen. [Debold] Sinas, Naka-limang chief na, hindi pa rin na-deliver. Please follow up,” ani Dela Rosa.
“Gusto kong makakita ng legitimate anti-drug operation ng PNP na may suot na body camera because that is a big clamor for the public,” dagdag nito.
Una rito, sinabi ni PNP spokesman Police Brig. Gen. Ildebrandi Usana na nananatiling committed ang pulisya sa paggamit ng body cameras.
Ilan din aniya sa kanilang mga miyembro ang gumagamit na ng body cam, tulad ng Special Action Force.
Bago ito, sinabi ni dating PNP chief Camilo Casolan na inaasahan ng pulisya ang delivery ng nasa 2,600 body cameras para sa testing, kung saan gagawing prayoridad ang mga anti-drug operatives.