-- Advertisements --

(Update) BACOLOD CITY – Sumuko na sa police station ang isang lolo na brutal na pumatay sa kanyang walong taong gulang na apo sa Isabela, Negros Occidental.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod sa hepe ng Isabela Police Station na si Police Capt. Roger Pama, sinabi nitong pumunta ang bata sa bahay ng kanyang 56-anyos na lolo na si Pablo Talanas sa Sitio Aguntilang, Barangay Riverside.

Nagkataong nakainom umano ang lolo at nainis sa kanyang apo na kumakausap sa kanya.

Dito na hinawakan ng lolo ang kanyang apo, sinakal at ilang beses na inihampas sa semento ang ulo.

Hindi pa nakontento ay pinasukan pa ng suspek ng stick na kawayan ang puwetan ng biktima.

Sa post mortem examination sa bangkay ng biktima, napatay ito dahil sa tinamong matinding mga sugat.

Sa kanyang pagsuko sa police station, inamin ng lolo ang krimen at nagsisisi raw ito sa kanyang ginawa.

Sana aniya ay hindi siya nagpadaig sa kanyang galit.

Nakatakda nang sampahan ng kasong murder ang suspek.