Maglulunsad umano ng imbestigasyon ang Department of Education (DepEd) kaugnay sa umano’y mga malisyosong aktibidad na may kaugnayan sa pagbabalik-eskwela noong Oktubre 5.
Sa isang pahayag, sinabi ng DepEd na nakatanggap daw kasi sila ng mga ulat na maling impormasyon na naglalaman ng mga larawang ginawa lamang daw upang maghatid ng maling konotasyon sa pagsasagawa ng school year 2020-2021.
Gagawa rin daw sila ng legal na hakbang upang masigurong tanging mga tamang impormasyon lamang ang makaaabot sa mga stakeholder.
Pinapayuhan din ng ahensya ang publiko na maging maingat sa mga impormasyon o larawang inuugnay ang pangalan ng DepEd.
Nitong linggo nang mag-viral sa social media ang larawan ng mga guro sa Batangas City na umakyat sa bubong para lang daw makakuha ng mas magandang signal para sa online learning.
Inatasan na rin ni Education Secretary Leonor Briones ang isang undersecretary para mangalap pa ng karagdagang detalye kaugnay sa insidente.