Pinabulaanan ng Department of Education (DepEd) ang ulat na maraming estudyante ang nag-dropout sa mga paaralan dahil sa mga hamon sa distance learning.
Ayon kay Education Secretary Leonor Briones, pinaberipika niya ang report sa kanilang mga regional offices, ngunit wala aniyang nagkumpirma na maraming estudyanteng nag-dropout sa kanilang online class.
Karaniwan na aniyang mabagal ang pagbalik ng mga estudyante sa klase lalo na kung holiday o summer vacation dahil magsisiuwian ang mga ito sa mga lalawigan.
“Nagugulat kami sa balitang yan dahil last week pa namin vinalidate, wala namang reports galing sa mga regions na maraming estudyanteng dropouts,” wika ni Briones.
Inilahad ng kalihim na inaalam na nila kung saan nagmula ang report at naghihintay sila ng numero ngunit wala naman aniyang dumudulong sa kanilang tanggapan.
Hindi naman inaalis ng kalihim ang posibilidad na paninira ito ng mga kritiko para i-discredit ang ipinapatupad na blended learning ng ahensya.
“Wala kaming basehan na maka-conclude na mayroong massive dropouts. Naghihintay kami ng numero sa mga nagsasabi noon, wala naman kaming naririnig na numero. Lahat ng rehiyon pina-report ko last week pa, wala kaming nakuhang information,” anang kalihim.