CAGAYAN DE ORO CITY – Nakumpiska ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-10 ang kagamitan ng terorismo mula sa bahay na pinagpondohan ng suspected member ng local Dawhah Islamiyah Lanao terror group sa Phase 2, Brgy. Bulua, Cagayan de Oro City.
Kinilala ni CIDG-10 regional chief PLt. Col. Choli Jun Caduyac ang target ng search warrant na si Abulraman Limpao Impang alyas “Supida” na umano’y may nakabinbing murder case na kinakaharap sa Lanao del Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Caduyac na nasabat mula sa lokasyon ng suspek ang ilang paraphernalia sa paggawa ng improvised explosive device (IED), dalawang mga baril kasama ang mga bala at ang umano’y bandilang kulay itim na mayroong nakasulat na puti.
Sinabi ng opisyal na kahina-hinala ang presensya ni Impang na nagsimula pa noong Pebrero kasama ang kanyang mga kaanak na sina Siepe Layla Ampao at Allison Limbao Muskuwa.
Hindi naabutan ng CIDG-10 ang tatlong mga personalidad nang isinilbi ang tatlong magkahiwalay na search warrants mula sa korte ng Misamis Oriental, pero mga kaanak lamang ng mga ito ang nakita ng mga otoridad kaninang umaga.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon habang inihahanda ang panibagong mga kaso na kakaharapin ni Abulraman dahil sa naksabat na “suspected terroristic materials.”