Nadiskubre ang umano’y uniporme ng sundalo ng China sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) firm sa Porac, Pampanga na ni-raid ng mga awtoridad.
Isa sa mga nasamsam na digital camouflage uniform ay may mga butones na may nakalagay na inisyal na “P.L.A.” na pinaghihinalaan ng mga awtoridad na maaaring tumutukoy sa People’s Liberation Army na isang armadong organisasyon ng Chinese Communist Party (CCP) at ang pangunahing puwersang militar ng People’s Republic of China.
Kaugnay nito, iimbestigahan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) kung mayroong Chinese military personnel sa bansa na posibleng nagpapanggap bilang mga empleyado ng POGO.
Samantala, itinanggi naman ni Porac Mayor Jaime Capil ang akusasyon na siya ay protektor ng ilegal na operasyon ng POGO sa kaniyang bayan.
Kinukondena din nito ang mga karumal-dumal na gawain at iginiit na hindi niya papayagan ito sa kanilang bayan habang siya ang nakaupong mayor.
Itinanggi rin ni Capil na pag-aari niya ang lupa kung saan nakatayo ang POGO firm at tinawag ding fake news.
Dagdag pa ni Capil na ang compound ay nakakuha ng buikding permits para sa mga pagtatayo nito ngunit pinagbawalan ang municipal government na pumasok sa kanilang pogo compound para sa inspeksyon noong Mayo 3.
Una ng nakumpiska sa ilang araw na paghalugad ng mga awtoridad sa POGO hub ang daan-daang cellphone at mga computer sa Lucky South 99 compound, nasamsam din ang nasa P600,000 na cash, hinihinalang mga iligal na droga at mga alahas.