GENERAL SANTOS CITY – Inihahanda na ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Dangerous Drugs Act of 2002 ang isasampa laban sa isang umano’y miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Kinilala ni PDEA-12 Spokesperson Kath Abad ang suspek na si Hasanor Moctar, 29, residente ng Brgy. Manilagro, Wao, Lanao del Sur.
Nakorner ng mga operatiba ng PDEA ang suspek sa buy bust operation ng awtoridad sa Banisilan, North Cotabato noong Sabado.
Ayon kay Abad, ang suspek ay isa umanong high-value na tulak ng droga kung saan nasamsam rito ang 50 gramo ng umano’y shabu na nagkakahalaga ng humigit kumulang P350,000.
Nang maaresto ang suspek ay agad itong nagpakilalang miyembro ng MILF ngunit ayon kay Abad na kahit MILF member man o hindi ang suspek hindi pa rin ito makakaiwas sa pagkakakulong.
Dagdag pa ni Abad ilang buwan din na isinailalim sa surveillance ang suspek kaugnay sa pagtutulak nito ng iligal na droga sa mga lalawigan ng North Cotabato at Lanao del Sur.