-- Advertisements --

Tiniyak ni Department of National Defense (DND) Secretary Delfin Lorenzana na kaniyang paiimbestigahan ang report kaugnay sa isinagawang missile launch ng China sa West Philippine Sea o South China Sea.

Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo kay Lorenzana, kaniyang sinabi na wala siyang nakuhang direktang impormasyon ukol sa pagsasagawa ng missile test ng China.

Gayunman, magsasagawa aniya sila ng imbestigasyon para makabuo ng desisyon sa gagawin nilang hakbang.

“We have no first hand knowledge about this missile launch except this news report. We will conduct our own inquiry and will decide later what to do if proven correct,” ani Lorenzana.

Dahil sa insidente, nagpahayag ng pagkabahala ang Pentagon kahapon na nakakabahala ang missile launch ng China na taliwas sa pahayag ng Beijing na iiwasan nila ang militarisasyon sa naturang rehiyon.

Ayon naman kay Pentagon spokesman Lieutenant Colonel Dave Eastburn, malapit lang sa Spratlys ang missile test ng China at hindi posibleng maka-intimidate sa mga kalapit bansa.

Sa ngayon, wala pang ibinibigay na opisyal na pahayag ang Armed Forces of the Philippines ukol dito.

Kung maaalala, bago ang missile test ay umiiral ang trade war sa pagitan ng China at US.