GENERAL SANTOS CITY – Handa umanong harapin ng umano’y monitoring officer ng isang investment group sa General Santos City ang kasong isasampa ng pulisya matapos nakumpiska sa kanya ang ilegal na baril at mga bala.
Nasa kustodiya ngayon ng Criminal Investigation and Detection Group Region 12 (CIDG-12) ang isang Bobby Layson, 35 taong gulang, may asawa at isang negosyante na residente ng VSM Homes, Phase 1, sa Brgy. San Isidro sa naturang lungsod.
Ito’y matapos sinalakay ng raiding team ng CIDG-12 ang bahay nito sa bisa ng search warrant kaugnay sa iligal na armas na pirmado ni Hon. Judge Joyce Kho-Mirabueno ng Regional Trila Court (RTC) Branch 58.
Isang caliber 45 pistol na may 30 bala ang kaagad umanong isinuko ng target sa mga pulis.
Sa patuloy na paghahalughog ng mga pulis sa buong bahay ni Layson wala nang nakitang iba pang armas maliban na lang sa malaking halaga ng pera.
Matapos napag-alamang ilegal ang nakumpiskang baril, inaresto si Layson sa kabila ng depensa nitong may hawak itong mission order umano.
Una rito, may nagsumbong umano sa CIDG-12 na may hawak na baril ang target.
Kabilang umano ang nahuling target sa Monificent ministry, isang investment group sa Bula General Santos na nag-aalok umano ng 45 percent na tubo sa perang ipinapasok ng kanilang mga miyembro.