KORONADAL CITY – Nagpapatuloy sa ngayon ang imbestigasyon ng mga otoridad sa nangyaring pamamaril sa bayan ng Polomolok, South Cotabato na nagresulta sa pagkamatay ng isa at pagkasugat naman ng 5 iba pa.
Ito ang kinumpirma ni Police Lt. Col. Verlin Pampolina, hepe ng Polomolok Municipal Police Station sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Kinilala ang nasawi na si Allan Kindayo Calamunggi, 46 anyos at residente ng Barangay Palian, Tupi, South Cotabato habang sugatan naman ang asawa nitong si Diana Calamunggi, mga anak nitong edad 16, 5, 4 at 6 na buwang sanggol.
Ayon kay Pampolina, minamaneho ni Calamunggi ang tricycle sakay ang pamilya nito nang biglang sinabayan ng riding-in-tandem suspects at pagdating nila sa Purok Pinali, Barangay Bentung, Polomolok, South Cotabato ay pinagbabaril ang biktima.
Tinamaan sa ibat-ibang parte ng kanyang katawan si Calamunggi na nagresulta sa pagkawala ng control sa manebela kaya’t nahulog sa kanal ang minamanehong tricycle na ikinsugat naman ng mga kapamilya nito.
Naidala pa sa ospital ang biktima ngunit binawian din ng buhay.
Sa ngayon, inaalam pa ng mga otoridad ang report na umano’y kasapi ito ng Dawla Islamiya Nilong group at nais nang kumalas sa grupo ngunit ayaw umano ng mga kasamahan nito kaya’t siya ay pinatay.