CAUAYAN CITY – Inaresto ng mga kasapi ng National Bureau Investigation (NBI)-Isabela ang isang lalaki na nagpapanggap na dentista sa isinagawang entrapment operation sa Barangay San Roque, sa bayan ng Delfin Albano.
Ang inarestong umano’y nagpapanggap na dentista ay kinilalang si Gerry Bumanglag, 51-anyos na residente ng nabanggit na lugar .
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay NBI-Isabela Director Timotheo Rejano, kanyang sinabi na nag-ugat ang kanilang operasyon dahil sa reklamo ng isang ina na bunsod ng umano’y pamamaga ng ngipin ay dinala sa pagamutan ang kanyang anak matapos na magpabunot ng ngipin kay Bumanglag.
Sinabi pa ng Rejano na sa tulong Philippine Dental Association sa at Professional Regulation Commission-Region 2 ay nakumpirmang peke o nagpapanggap na dentista ang suspek.
Kaagad nagsagawa ng operasyon ang NBI at naaktuhan ang nagpapanggap na dentista kasama ang kanyang misis sa kanilang klinika na magsasagawa ng isang dental procedure sa isang nagpanggap na pasyente na ahente ng NBI.
Narekober sa klinika ng pekeng dentista ang iba’t ibang klase ng dental and surgical instrument, dental materials, dental chair and machine at logbook para sa kanilang mga pasyente.