-- Advertisements --

Naniniwala si Philippine National Police (PNP) chief police director Gen. Ronald Dela Rosa na malaki ang posibilidad na nakapasok nga sa bansa ang ilang terorista mula Turkey.

Reaksiyon ito ng PNP chief sa naging pahayag ng Turkish ambassador na posibleng nandito sa Pilipinas ang mga terror groups na nasa kanilang bansa, bagama’t wala pang kumpirmasyon hinggil dito.

Sinabi ni Dela Rosa na sa ngayon kasi ay hindi na makakadaan sa border ng Turkey ang mga teroristang Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) na nagbabalak pumunta ng Syria at Iraq dahil sinara na ito ng Turkish government.

“Most likely dahil yung nga lahat ng mga jihadist na gustong pumunta sa Syria at Iraq wala man silang ibang approach kundi dumaan through Turkey,” wika ni Dela Rosa.

Ibinunyag din ni Dela Rosa na ang mga ISIS na hindi makapasok sa Syria at Iraq ay ipinag-utos na magtungo sa Southern Philippines.

Sa hanay naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP), wala pa raw silang natatanggap na intel report kaugnay sa nasa 30 terorista mula Turkey na umano’y nakapasok ng bansa.

“Una biniberipika namin kung may basehan na paniwalaan yung impormasyon at kung san ito nanggagaling, at kung sakasakaling may basehan saka natin susuriin at iimbestigahan yung maaring lokasyon ng kinaroronan nitong mga sinasabing mga grupo na to,” pahayag ni Padilla.