Pinabulaanan ng Southern Police District ang napaulat na presensiya ng Chinese military force sa isang exclusive village sa Parañaque City.
Sa inilabas na statement ng SPD, nagsagawa ng imbestigasyon at validation ang Parañaque City Police station sa lugar at base sa nakalap na impormasyon ang nasabing mga Chinese national ay residente na sa naturang village mula pa noong 2016 at patuloy aniya silang nadaragdagan sa paglipas ng panahon.
Gayundin ang mga Chinese establishments gaya ng restaurants at spa salons na umano’y naga-accommodate lamang ng Chinese expatriates ay napag-alamang hindi totoo dahil tinatangkilik din maging ng mga Pilipinong residente ang mga serbisyo at produkto ng nasabing establishimento batay sa kanilang ginawang masinsinang validation.
Pinasingunalingan din ng pulisya ang napaulat na presensiya ng Chinese nationals na nagpapakita umano ng military-like behavior sa naturang village kung saan nagjojogging umano ang mga ito na naka-formation na nangyari naman mga dalawang taon na ang nakakalipas batay sa isa sa mga homeowner.
Ayon din sa awtoridad, sa katunayan ang mga chinese national na napagkamalang military personnel ay mga miyembro ng village security.
Una ng sinabi ng awtoridad na dumami ang mga residenteng Intsik sa naturang village dahil sa pagpasok ng Philippine offshore gaming operators (POGO) noong Duterte administration.
Sa kabila nito, hindi naman binabalewala ng SPD ang pangamba ng publiko kaugnay sa ugong-ugong na presensiya ng sleeper agents sa village dahil nasa proseso na ng validation ang SPD sa pakikipagtulungan sa intel community.
Tiniyak din ng SPD na nananatili itong committed sa pagsiguro sa kaligtasan at seguridad ng lahat ng mga residente sa kanilang hurisdiksiyon.
Hinikayat din ng SPD ang publiko na patuloy na iulat ang anumang kahina-hinalang aktibidad para ito ay kanilang masusing maimbestigahan at maiwasan ang pagpapakalat ng maling impormasyon na nagdudulot lamang ng takot sa publiko.