-- Advertisements --

LEGAZPI CITY — Naaresto ng mga otoridad ang umano’y nangunguha ng mga bata sa Barangay Balogo sa lungsod ng Sorsogon.

Ito’y matapos i-report ng pamilya ng mga biktima ang pangyayari kung saan positibong kinilala ng mga ito ang suspek na si Evangeline Butron, 53, residente ng Makati City ngunit tubong Bohol na nahuli sa ginawang follow-up investigation.

Ayon kay P/Lt. Col. Jefferson Araojo, hepe ng Sorsogon City Police, batay sa 10-anyos na bata at ina ng limang taong gulang na nangyari ang insidente bandang alas-10:00 ng umaga kahapon.

Kwento pa ng bata, apat umano silang magkakasama nang biglang habulin ng suspek kung kaya naghiwa-hiwalay ito upang hindi maabutan.

Nakita rin umano ng ina ng limang taong gulang na bata ang pagbitbit mismo ng suspek sa anak ngunit nagpumiglas ito kung kaya nakatakbo papunta sa ina.

Agad namang tumakas ang suspek matapos makita ang ina ng sana’y biktima nito.

Ayon pa kay Araojo, hindi umaamin ang suspek na nasa kustodiya ngayon ng himpilan habang kinukumpleto ang mga dokumento para sa pagsasampa ng kaso.