CAGAYAN DE ORO CITY – Kinasuhan ng National Bureau of Investigation (NBI)-10 sa piskalya ng Cagayan de Oro City ang panibagong suspected online investsment handlers.
Ito ay kasunod pa rin sa nabulgar na 1K TURNS TO 1700 PESOS IN JUST 10 DAYS scheme na nakabiktima na ng daan-daang online investors na naka-invest ng milyun-milyong pera sa siyudad.
Ayon kay NBI-10 agents head Atty. Alex Caburnay, nasa 15 counts ng large scale syndicated estafa ang inihain nila laban kay Jelie Rose Oredimo na taga-Barangay Kauswagan ng lungsod.
Maliban pa aniya ito sa unang apat na suspected online scammers na tinaguriang big four na nakakulong na sa city jail dahil sa parehong kaso.
Dagdag ng opisyal na nasa limang bilang ng katulad na kaso ang kinaharap ng isang Maria Kathrina Cabeltes na taga-Misamis Oriental.
Maliban sa kasong kinaharap ng mga suspek, sinampahan din sila ng NBI ng paglabag sa Cybercrime Law dahil idinaan ng mga ito sa social media ang kanilang transkasyon simula 2018 hanggang asa kasalukuyang taon.