Nahuli ng mga awtoridad ang isang Nigerian national sa Quezon City na umano’y wanted sa United States (US) sa kasong cyber fraud ayon sa Bureau of Immigration (BI).
Kinilala ang suspek na si Ahmed Kamilu Alex, 35-taong gulang na natunton sa Panay Avenue sa Barangay Paligsahan, Quezon city noong Oktubre 11, isang buwan bago mapasama sa blacklist ng tanggapan dahil sa pagiging pugante.
Saad pa ng BI,nagpapanggap ang suspek na taga US government agencies at gumagawa ng mga website para makapanloko kung saan sila ang nag po-process ng mga emergency leave request ng mga biktima noong panahon ng COVID-19 pandemic.
Ang halaga ng pera na umano’y nakukuha ng suspek sa kada nabibiktima nito ay umaabot sa US$500 hanggang US$48,500.
Samantala, nasa kustodiya naman na ng Camp Bagong Diwa si Alex, sa Taguig City habang hinihintay ang deportation proceeding sa kanya.
Nauna nang hiniling ng US government ang pag-papadeport sa suspek upang doon harapin ang kasong ipinupukol sa kanya.