CEBU CITY – Napatay ng mga otoridad ang isang lalaking umano’y aktibong kumander ng New People’s Army(NPA) kasunod ng pagsisilbi ng warrant of arrest pasado alas-10:00 nitong Linggo ng gabi sa Brgy. Pung-ol Sibugay, lungsod ng Cebu.
Kinilala ang napatay na si Dennis Rodenas, 40, at kumander umano ng mga rebeldeng NPA sa Davao del Norte.
Ayon sa PNP, nakipagpalitan daw ng putok si Rodenas sa mga pulisya at mga tauhan ng AFP Central Command nang isisilbi sana ang warrant of arrest nito dahil sa kasong murder, attempted murder at abduction.
Dead-on-the-spot si Rodenas matapos tamaan ng bala sa kanyang katawan.
Maliban pa rito, arestado ang live-in partner nitong dating liason officer ng NPA na kinilalang si Jerlin Mercado, 41, dahil sa kasong pagpatay ilang taon na ang nakalipas doon sa Mindanao.
Una nang nahuli noong 2011 si Rodenas ngunit nakatakas ito matapos tinulungan ng kanyang mga kasamahan sa Bukidnon at napatay ang ilang tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Samantala, kabilang din sa dinakip ang mag-asawang Ryan Moralde at Rodelyn matapos itong makisawsaw sa operasyon ng pulisya.