LEGAZPI CITY – Pinaghahanap na ng mga otoridad ang mga pinaniniwalaang nasa likod ng insidente ng panggugulo sa campaign rally ng tumatakbong kongresista sa ikalawang distrito ng Sorsogon na isinagawa sa Barangay Zone 8, bayan ng Bulan.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Legazpi mula sa Sorsogon Police Provincial Office, dakong alas-4:00 kahapon nang magsagawa ng campaign rally ang grupo ni incumbent Sorsogon Governor Bobet Lee-Rodrigueza sa naturang lugar.
Subalit natigil ang aktibidad nang manggulo ang mga sinasabing kasapi ng New People’s Army (NPA).
Batay sa salaysay ng gobernador, nagulat ang mga ito sa narinig na serye ng putok ng baril dahilan upang magpulasan ng takbo sa iba’t ibang direksyon ang mga supporters.
Sa paunang imbestigasyon ng pulisya at base na rin sa testimonya ng mga saksi, itinuturong nasa likod ng indiscriminate firing sina Jose Marie Estiller alyas Hulog, RJ Musan alyas Mark, Edcel Dematera alyas Abner, Arjay Balana alyas Marco, at Marcial Gracilla alyas Asa, at siyam na hindi pa matukoy ang identity.
Ayon sa Sorsogon-Philippine National Police, kasapi ang mga ito ng KSPN1, L2, KP3 BRPC na kumikilos sa lugar habang pinaniniwalaang motibo sa panggugulo ang hindi pagsunod ng kampo sa hinihinging bayad sa permit to campaign.
Wala namang nasaktan sa insidente habang nabatid na tinangay pa umano teroristang grupo ang isang unit ng camera mula sa grupo ng gobernador.