Pinabulaanan ni House Majority Leader at Leyte Rep. Martin Romualdez ang alegasyon ni Sen. Panfilo Lacson na tatanggap ng tig-P1.5-bilyon ang 22 deputy speakers ng Kamara sa ilalim ng P4.1-trillion proposed 2020 national budget.
Ikinagulat ni Romualdez ang alegasyon na ito ni Lacson at sinabing hindi niya alam kung saan nanggaling ang impormasyon na ito ng senador.
Wala aniya itong basehan sapagkat tinitiyak ng Kamara na mapupunta sa mga proyekto at programa ng pamahalaan ang nilalaman ng inaprubahang General Appropriations Bill (GAB) ng kapulungan noong Biyernes, Setyembre 20.
Kasabay nito ay binigyan diin ni Romualdez na walang nakatagong pork o parked funds sa pondong gugulingin ng pamahalaan sa susunod na taon.
Kaya ayon sa kongresista, handa sila sa pagbusisi rito ng Senado sa mga susunod na buwan.
Samantala, iginiit ni Romualdez na kung may basehan ang impormasyon ni Lacson ay marapat lamang na isinwalat nito ang pangalan ng kanyang source.