Walang basehan ang umano’y pag-okupa ng kapulisan sa compound ng Kingdom of Jesus Christ sa Buhangin District sa Davao city sa bisa lamang ng warrant of arrest.
Ito ang iginiit ni dating presidential spokesperson Harry Roque sa idinaos na rally ng KOJC members sa Liwasang Bonifacio nitong araw ng Lunes, Agosto 26.
Aniya, maraming nalabag na karapatan sa Davao. Tinuligsa din nito ang tila pag-implementa umano ng sariling batas ni PRO Davao Regional Director Police Brigadier General Nicholas Torre III. Dapat na rin aniyang tawagan ng pansin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kapulisan sa gitna ng tensiyon sa pagsilbi ng warrant of arrest laban kay Pastor Apollo Quiboloy.
Maliban kay Atty. Roque, present din sa inilunsad na rally ng KOJC members sa Liwasang Bonifacio sina dating PCSO director Sandra Cam at dating PDEA agent Jonathan Morales na nagpatutsada laban kay Pangulong Marcos. Ilan naman sa mga ipinanawagan ng mga KOJC member ang hustisya para sa KOJC at pagbibitiw ng Pangulo.
Ipinagsigawan din ng mga supporter ni Quiboloy na hindi sila bayad at mananatili umano sila doon sa Liwasang Bonifacio kahit pa umulan.
Samantala, nauna naman ng nanindigan si PRO RD Torre na hindi nila lilisanin ang compound hangga’t hindi nahuhuli si Pastor Quiboloy.
Nitong Lunes sa ikatlong araw ng paghalughog sa KOJC compound nang kumpirmahin ni PRO Davao spokesperson PMajor Catherine dela Rey na naniniwala silang may bunker sa ilalim ng compound kung saan umano nagtatago ang puganteng pastor matapos madetect ang multiple heartbeat o tibok ng puso na pinaniniwalang mula kay Quiboloy at ilan pang mga kasama nito. Hinahanap na aniya nila ang entrance patungo sa naturang bunker.
Sa kasalukuyan, nahaharap si Pastor Quiboloy sa kasong child sexual abuse at qualified human trafficking na walang kaukulang piyansa sa mga korte dito sa Pilipinas habang nasa most wanted list rin ito ng Federal Bureau of Investigation (FBI) kaugnay sa child sex trafficking at iba pang mga krimen.