Dumepensa si Commission on Elections Chair George Erwin Garcia laban sa paghahain ng reklamong misrepresentation kay Alice Guo, ang tinanggal na alkalde ng Bamban, Tarlac.
Ayon kay Garcia, hindi na-single out ang dating alkalde dahil sa maraming indibidwal na inireklamo ng komisyon dahil sa misrepresentation o sadyang pagsisinungaling o hindi paglalahad ng tamang impormasyon.
Inihalimbawa ni Garcia ang paghahain nila ng hanggang 40 cases ng misrepresentation noong buwan ng Agosto.
Maaari aniyang hindi lamang nabalitaan ang ilan sa mga ito dahil sa hindi high profile, di tulad sa kaso ni Alice Guo.
Sa kaso ni Guo, lumabas na aniya ang resulta ng serye ng fingerprint analysis na isinagawa ng mga eksperto ng komisyon kaya’t nagawa ng poll body na maghain kaagad ng misrepresentation sa kanya, dala ang mabigat na ebidensiya.
Iginiit din ni Garcia na bagamat marami ang sumusubaybay sa kontrobersiyal na kaso ni Alice Guo, dumadaan pa rin sa due process ang anumag reklamo laban sa kanya.