Nagbabala ang Securities and Exchange Commission (SEC) na huwag maniniwala sa kumakalat na fake news na ibinasura na umano ang mga kasong isinampa laban sa investment scam na Kabus Padatoon (KAPA) Community Ministry International.
Sa inilabas na abiso ng SEC, nakabinbin pa rin sa iba’t ibang mga korte ang mga kasong kriminal na inihain laban sa KAPA dahil sa paglabag sa Republic Act No. 8799 o sa Securities Regulation Code (SRC).
Sinabi ng SEC, nakalaya lang pansamantala ang KAPA founder na si Joel Apolinario kasama ang ibang mga opisyal ng grupo makaraang makapaglagak ng piyansa.
Ayon sa SEC, ipinapakalat daw ng mga tagasuporta ng KAPA ang mga videos kung saan makikita ang umano’y telephone interview kay Apolinario, at binanggit daw ng nagpapakilalang pastor na na-dismiss na raw ang lahat ng mga kaso laban sa grupo.
Una nang kinasuhan ng mga prosecutors sa Department of Justice (DOJ) sina Apolinario, trustee na si Margie Danao, corporate secretary Reyna Apolinario, maging mga promoter ng KAPA na sina Marisol Diaz, Adelfa Fernandico, Moises Mopia, at Reniones Catubigan sa mga korte sa Quezon City, Bislig City at Rizal.