-- Advertisements --

Sinisiyasat na rin ng ahensiya ang panibagong data breach na iniulat ng Deep Web Konek sa posibleng pagbebenta ng ilang email domains ng gobyerno ng PH ng isang threat actor na tinatawag na skywwrl.

Ayon sa cybersecurity group na Deep Web konek, natuklasan ang umano’y pagbebenta ng government domain access sa pamamagitan ng dark web forum kung saan ang bawat domain umano ay iniaalok sa halagang $100.

Ang nasabing mga email domain ay sa City Government ng Davao, Department of Energy, Philippine Health Insurance Corp at iba pa.

Subalit ipinunto ng grupo na kailangan ng ibayong verification para makumpirma ang nasabing data breach.

Matatandaan na noong nakalipas na linggo, kinumpirma ng DICT na nasa 2-terabyte ng data kabilang ang research plans, schematics at designs ng Department of Science and Technology (DOST) ay nakompormiso dahil sa cyberattack.

Kinumpirma din ng National Privacy Commission noong Lunes na na-leak ang data ng DOST na naglagay sa daan-daang empleyado nito sa panganib ng hindi awtorisadong access sa mga sensitibong impormasyon.

Kaugnay nito, inaasahang maaantala ang pag-apruba sa mga nakabinbing patents at iba pang ginagawang inisyatiba ng DOST dahil sa cyberattacks habang patuloy na tinatrabaho ng DICT ang ganap na pagrekober sa infected systems ng DOST.