Sinabi ng US na maaaring gumamit ang Israel ng mga armas na ibinigay ng Amerika bilang paglabag sa international humanitarian law sa ilang pagkakataon sa panahon ng digmaan sa Gaza.
Ayon sa US State department ito ay resonable na i-assess na ginamit sa ilang pagkakataon ang naturang mga armas mula sa kanila na taliwan sa mga obligasyon ng Israel.
Subalit sinabi nito na walang kumpletong impormasyon ang gobyernong ng Amerika sa naturang assessment.
Isinumite ang naturang report sa Kongreso nitong Biyernes.
Kaugnay nito, ipinag-utos ng White House ang pagsiyasat sa paggamit ng Israel kasama ng 6 na iba pang sangkot sa conflict sa mga armas na binigay ng Amerika mula ng sumiklab ito noong nakalipas na taon.
Nakasaad din sa dokumento na dahil ginagamit ng Hamas ang mga civilian infrastructure para sa military purposes at mga sibilyan bilang human shields, mahirap na matukoy ang totoong sitwasyon sa ground sa active war zone mula sa lehitimong targets.
Nakasaad din sa naturang report na inilarawan ng UN at humanitarian organisations ang ginagawang pagsisikap ng Israel na mabawasan ang pinsala sa mga sibilyan na hindi consistent, hindi epektibo at hindi sapat.
Napag-alaman din ng state department na hindi ganap na nakikipagtulungan ang Israel sa pagsisikap ng Amerika na ma-maximize ang humanitarian aid para sa Gaza sa mga unang bahagi ng giyera.
Inilabas nga ang naturang report ilang araw matapos na magbabala si US President Joe Biden na ipapatigil nito ang pagpapadala ng mga bomba at artillery shells sa Israel kapag itinuloy nito ang pag-atake sa Rafah na huling kuta ng Hamas sa Gaza kung saan lumikas ang mahigit isang miyong Palestino.