Iniimbestighan na rin ng Philippine Army sa pakikipagtulungan sa Philippine National Police (PNP) ang ulat hinggil sa ilang reservists na sangkot sa ‘Angels of Death’ o private army umano ng nakakulong na si KOJC founder Apollo Quiboloy.
Ayon kay Army Chief Public Affairs deputy chief Col. Reynaldo Balido Jr., ilan sa mga miyembro ng KOJC ang reservists.
Taong 2015 nang ma-accredit bilang affiliated reservist unit ng PA ang KOJC station na Sonshine Media Network Incorporated (SMNI).
Sa ngayon, nasa active duty status ang mga ito na tinatawag na 2nd Signal Battalion Philippine Army Affiliated Reserve Unit. Tinap umano sila dahil sa kanilang kadalubhasaan sa communications.
Subalit ipinaliwanag ng PA official na kontrolado lamang ng ahensiya ang mga reservist ng naturang unit tuwing wartime at national emergencies.
Nilinaw din ng opisyal na ang naturang mga reservist ay dapat na walang mga armas.
Sakali man aniya na mapatunayang lumabag ang SMNI, mapapawalang bisa ang kanilang affiliation sa Army at isasampa ang administrative charges laban sa kanila kabilang ang pinuno ng kompaniya na nagsisilbing commander ng unit ay mahaharap sa questioning.