-- Advertisements --

Iimbestigahan ng Department of Health (DOH) ang umano’y nangyaring breach o paglabag sa listahan ng mga prayoridad na maturukan ng COVID-19 vaccine.

“We had our legal service review already our provisions with the different resolution even in the IATF resolutions,” wika ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire.

Dagdag pa ni Vergeire, nagpapatuloy ngayon ang mga diskusyon tungkol sa posibleng kaparusahan na ipapataw sa mga mapatutunayang lumabag, gaya ng paghahain ng administrative case kung ang sumuway ay isang opisyal ng gobyerno.

Una rito, may ilan umanong mga government officials ang nagpabakuna na kahit wala sila sa priority list ng COVID-19 vaccines.

Nitong Biyernes nang inamin ni Presidential spokesman Harry Roque na may naganap na breach sa priority list nang magpaturok na ng bakuna sina Interior Undersecretary Jonathan Malaya at MMDA Chief of Staff Michael Salalim.

Ginawa aniya ito ng mga naturang opisyal “in good faith” at inihayag na naudyukan daw ang mga ito ng mga opisyal ng Pasay General Hospital para mapataas pa ang kumpiyansa ng publiko sa bakuna.

Maliban dito, nakatanggap na rin ng bakuna si Pasay City Vice Mayor Noel Boyet del Rosario, na hindi isang medical frontliner.

Giit ni Vergeire, baka maunsyami ang pagdating ng mga susunod na suplay ng bakuna lalo pa’t lumagda ng kasunduan ang bansa na dapat ay masunod ang framework na itinakda ng World Health Organization.

“We will all have our turn. Pabayaan muna yung healthcare workers na makakakuha muna [ng bakuna],” sabi nito.

Magugunitang hindi pinagbigyan ng pamahalaan ang rekomendasyon na i-prioritize ang mga “influencers” upang palakasin ang kumpiyansa ng mga Pinoy sa bakuna.

Binigyang-diin ng National Immunization Technical Advisory Group na dapat ay sa mga health workers muna iturok ang mga COVID-19 vaccines na dumating na sa bansa.