
Hiniling ni House Deputy Minority Leader France Castro sa Kamara na maimbestigahan ang umanoy nangyayaring pagpapatahimik sa ilang mga mangingisda sa Oriental Mindoro na apektado ng malawakang oil spill.
Ito ay upang masagot ang naunang napaulat na alegasyon na pinapapirma umano ng waiver ang mga mangingisdang naapektuhan ng oil spill dahil sa lumubog na MT Princess Empress.
Nakasaad umano sa waiver na hindi na sila magsasampa ng kaso kapalit ng tatanggapin na ayuda. Ayon sa Kongresista, binibigyan ang mga ito ng P15,000 na one time financial aid, at pinapapirma na hindi na sila magsasampa ng kaso laban sa RDC Reield Marine Service.
Sinabi ng Kongresista na kailangang maimbestigahan ang nasabing scheme, lalo at hanggang ngayon ay may mga brgy pa ring apektado ng malawakang oil spill.
Samantala, nauna na ring pinabulaanan ng presidente ng kumpanya na si Mr. Raymundo Cabial ang nasabing alegasyon.
Sa katunayan, ayon kay Cabial, nalaman lamang niya ang tungkol sa nasabing isyu, matapos itong marinig mula sa kongresista.