Pinabulaanan ng National Task Force for the West Philippine Sea ang claim ng China na sinagip ng kanilang China Coast Guard ang personnel ng Pilipinas na diumano’y nahulog sa dagat sa nangyaring panibagong panghaharass ng mga barko ng China laban sa BFAR vessel na BRP Datu Sanday malapit sa Escoda shoal nitong Linggo, Agosto 25.
Sa isang statement, sinabi ng NTF na ito ay fake news at misinformation na isang malinaw na pagpapakita ng pagbaluktot ng China sa katotohanan at paggamit ng disinformation para palakasin ang imahe nito sa publiko.
Ginawa ng ahensiya ang paglilinaw matapos ang mga mapanganib at agresibong maniobra ng nasa 8 Chinese maritime vessels laban sa BRP Datu Sanday habang naglalayag mula Hasa-hasa shoal patungong Escoda shoal kahapon.
Kung saan hinarang, pinalibutan, ilang beses na binangga at binombahan ng water cannon ng CCG vessels ang BRP Datu Sanday para pigilan ang humanitarian operation nito na maghahatid sana ng mga suplay na pagkain, diesel at medisina para sa mga Pilipinong mangingisda sa lugar.
Bunsod ng insidente, pumaliya ang makina ng BRP Datu Sanday at napilitang maagang itigil ang humanitarian operation nito.
Sinabi din ng ahensiya na nalagay sa seryosong banta ang kaligtasan ng mga Pilipinong crew at mga mangingisdang kanilang hahatiran ng tulong ang ginawang ilegal, agresibo at unprofessional na aksiyon ng mga barko ng China.
Sa kabila naman ng panghaharass ng chinese vessels, sinabi ng NTF na napanatili ang mataas na morale ng mga personnel na lulan ng BRP Datu Sanday at ligtas at walang nasugatan.
Kaugnay nito, muling nanawagan naman ang gobyerno ng Pilipinas sa China na itigil na ang provocative actions nito na nakakasira sa kapayapaan at seguridad sa rehiyon. Nanindigan din ang PH na hindi ito matitinag sa paggiit ng mga karapatan ng ating bansa alinsunod sa international law.
Home Top Stories
Umano’y pagsagip ng CCG sa Filipino personnel na nahulog diumano sa dagat sa kasagsagan ng panibagong ramming at water cannon incident malapit sa Escoda shoal, fake news – NTF-WPS
-- Advertisements --