-- Advertisements --

LAOAG CITY – Nakunan ng video ang umano’y pagtatanim ng ebidensya sa subject ng isinagawang buy bust operation ng mga pulis sa Barangay Root sa bayan ng Dingras.

Nakilala ang subject ng operasyon na si Elpidio “Jeff” delos Reyes, isang magsasaka at residente sa naturang barangay.

Iginiit naman ni Delos Reyes na umupo siya sa gilid ng kalsada at nang pauwi na ito ay may tumigil na kotse, tinanong ang kanyang pangalan at dito na hinawakan ng mga pulis.

Kontra naman ito sa pahayag ng mga pulis na lumaban daw si Delos Reyes.

Lumalabas na nagbenta ng isang cal. .38 revolver si Delos Reyes sa mga pulis sa halagang P3,000.

Sinabi ng mga pulis na noong huhulihin nila ang subject ay may inihagis itong apat na sachet ng hinihinalang shabu.

Ayon sa pamilya Delos Reyes, mula ng sumuko ito sa mga otoridad noong 2016 ay hindi na niya binalikan ang iligal na aktibidad.

Inihayag nila na kitang-kita sa video na mayroon umanong isinuksok ang isang lalaki sa short ni Delos Reyes.

Maliban dito ay kinuwestiyun rin ng pamilya ang pahayag ng mga pulis na nagbenta ng baril si Delos Reyes dahil garterized umano ang short nito at wala namang ibang dalang gamit.

Samantala, sinabi ni Police Captain Joseph Calderon, chief of police ng PNP-Dingras na itinuturing na high value individual ang subject.

Dagdag nito na dahil pahirapan ang pagsasagawa ng drug buy bust operasyon sa kanya ay gun buy bust ang kanilang ginawa dahil base sa validation nila ay nagbebenta pa umano ito ng baril.

Nakahanda naman ang PNP na sumagot sa mga akusasyon ng pamilya Delos Reyes.