Mariing pinabulaanan at tinawag na fake news ng Philippine Nationa Police Integrity Monitoring and Enforcement Group ang insidente ng umano’y pamamaril ng kanilang miyembro laban sa kapwa nito pulis.
Ito’y makaraang kumalat ang mga ulat hinggil sa naturang pangyayari na nag sanhi umano sa tangkang pangungumpiska ng cellphone ng mga tauhan ng naturang hanay habang sila ay nagpapatrolya.
Sa isang pahayag ay binigyang-diin ni PNP-IMEG Director PBGEN Warren de Leon na walang katotohanan ang naturang mga ulat at ang mga ito aniya ay pawang mga fake news lamang.
Kasabay nito ay patuloy na hinihikayat ngayon ng opisyal ang taumbayan na palaging maging mapanuri at huwag basta-basta maniniwala sa mga impormasyong nakikita at nababalitaan lamang sa social media ng walang basehan.
Kaalinsabay nito ay ang kaniya rin panawagan na agad na idulog sa kanilang tanggapan ang ganitong uri ng mga maling impormasyon upang agad na maaksyunan.
Habang nagbabala naman ang kapulisan na mahaharap sa kaukulang kaparusahan ang sinumang mapapatunayang nagpapakalat ng mga impormasyon na sumisira sa integridad at imahe ng kanilang hanay.