VIGAN CITY – Nangako ang re-elected Abra Rep. Joseph Sto. Niño Bernos na pai-imbestigahan niya sa Kamara ang pinaniniwalaang “partisan†acts ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa midterm elections sa kanilang lalawigan.
Base sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan, ilang minuto pagkatapos ng proklamasyon ni Bernos, nakatanggap umano ito ng impormasyon na higit sa 100 CIDG personnel ang nagsasagawa ng “undocumented and illegal activities” para sa natalong congressional bet na si Victoria Seares-Corpus na tumakbo sa ilalim ng Pederalismo ng Dugong Dakilang Samahan na asawa ni CIDG chief MGen. Amador Corpus.
Ayon sa nanalong kongresista, hihilingin umano nito na mayroong maisagawang congressional inquiry sa nasabing isyu nang sa gayon ay malaman ng publiko ang katotohanan.
Idinagdag pa nito na mayroon na umano silang hawak at nakahandang ebidensiya na nakialam ang CIDG sa pagsisimula ng kampanya hanggang sa mismong araw ng halalan noong May 13.
Maalalang pinayagan ng Special Provincial Board of Canvassers sa Abra ang petisyon ng Asenso party kung saan kabilang nanalong kongresista na magkaroon ng ceremonial proclamation kagabi dahil mula sa 97.7% ng election returns na nai-transmit, matatawag na landslide victory ang nakamit nito sa kabuuang boto na 115, 081 laban sa katunggali na si Corpus na nakakuha ng 18,251 at Derdrei Ifurung na nakakuha ng 3,226 na boto.