Hiniling ng Bureau of Immigration (BI) sa National Bureau of Investigation (NBI) na ibigay ang mga pangalan at iba pang kaukulang impormasyon ng 200 Chinese nationals na nakakuha ng falsified birth certificates mula sa isang civil registrar office sa Sta. Cruz, Davao del Sur.
Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco , humiling din ang kanyang tanggapan ng impormasyon mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) tungkol sa lahat ng Pilipinong nag-avail ng late registration scheme at nabigyan ng birth certificate.
Aniya, ang mga datos na ito ay kailangang ma cross check upang maberipika ng sa gayon ay maiwasan ang maling paggamit ng Philippine passports.
Sinabi ito ng hepe matapos na ma intercept ng ahensya ang isa pang apat na kaso ng fraudulently acquired passport noong nakalipas na linggo.
Noong nakaraang linggo, sinabi ng NBI regional office sa Davao City na nadiskubre nito ang halos 200 falsified birth certificates na inisyu sa mga Chinese national mula 2018 hanggang 2019 sa Sta.Cruz, Davao del Sur.
Nadiskubre ito ng mga otoridad matapos na mahuli ang isang Chinese national dahil sa pagpapakita ng pekeng birth certificate na nakuha niya habang nag-a-apply ng Philippine passport sa local office ng Department of Foreign Affairs.
Sinabi ng 21-year old Chinese national na ipinanganak siya sa bayan ng Sta.Cruz.
Tiniyak naman ng BI na aaksyunan nila ang ganitong uri ng usapin.