Ipinag-utos ni Bureau of Customs (BoC) Commissioner Bienvenido Rubio ang imbestigasyon sa umano’y recycling at resale ng mga nakukumpiskang vape products.
Kaugnay nito ay inatasan ni Rubio ang Intelligence Group sa pangunguna ni Deputy Commissioner Juvymax Uy na bumuo ng isang komprehensibong fact-finding investigation ukol dito.
Sisimulan ang imbestigasyon ukol sa isinagawang operasyon kamakailan kung saan maraming nakumpiskang vape products na inilagay sa ilalim ng ‘safekeeping order’.
Isa sa mga layunin ng naturang direktiba ay tukuyin ang posibleng kaugnayan o pagkakasangkot ng mga personnel ng Bureau of Customs kung saan tutukuyin dito ang posibilidad ng administrative at criminal liabilities sa mga posibleng masasangkot.
Naatasan naman ang Intelligence Group na magsumite ng weekly reports at magsumite ng detalyadong fact-finding report sa loob ng 30 days.
Samantala, siniguro naman ni Commissioner Rubio na nananatiling ‘secured’ ang mga peke o counterfeit products na nakumpiska kamakailan sa Binondo, Manila.
Ang mga ito ay nagkakahalaga ng P11 billion at nakatakdang isailalim sa akmang proseso alinsunod sa Customs Modernization and Tariff Law.