-- Advertisements --

Inusisa ni House Quad Committee co-chairman at Manila 6th district Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr. si retired police officer at dating PCSO General Manager Royina Garma sa Quad-Committee hearing ngayong araw tungkol sa isinulat ng kolumnistang si Ramon Tulfo na umano’y relasyon ni Garma kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Base sa isinulat ni Tulfo na binasa ni Cong. Abante sa pagdinig ng Quad Comm, nararapat lamang umano na imbestigahan si Garma dahil siya ang nasa likod ng pagpatay kay PCSO Board Member Atty. Wesley Barayuga, isang retired brigadier general na miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Class 1983. Si Barayuga din bilang board member ng PCSO ang humaharang sa pagbibigay ni Garma ng mga small town lottery (STL) franchises sa kanyang mga kaibigan.

Kinastigo din ng Quad Comm co-chairman si Garma kung totoo o hindi na may news black out noon sa asasinasyon ni Barayuga dahil alam ng imbestigador na si Garma at dating PRRD ay mag-syota.

Pinabulaanan naman ni Garma ang alegasyong may relasyon sila ng dating pangulo.

Una rito, ilang mga resource person na rin ang tumestigo sa nakalipas na mga Quad Comm hearings sa pagiging malapit nina Garma at dating Pangulong Duterte. Si ex-PRRD din kasi ang mismong nagtalaga kay Garma sa PCSO noong 2019.