Dapat na imbestigahan at mapakinggan ng kaukulang mga awtoridad ng mga sangkot na bansa ang umano’y ‘sekretong kampaniya na inilunsad ng US Defense Department o Pentagon para siraan ang Sinovac vaccine ng China sa Pilipinas sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic sa layong malabanan umano ang lumalaking impluwensiya ng China sa PH.
Ito ang naging tugon ng Department of Health sa inilabas na findings ng isang international news agency (Reuters).
Base sa findings, nagpakalat umano ng COVID-19 misinformation ang US military sa pamamagitan ng online platform na X.
Tinukoy nito ang hindi bababa sa 300 accounts na halos lahat ay ginawa noong summer ng 2020 at nakasentro sa slogan na #Chinaangvirus.
Gumamit umano ang Pentagon ng huwad na accounts online na nagpapanggap na mga Pilipino kung saan ang propaganda nito ay naging isang kampaniya kontra sa pagbabakuna.
Binabatikos sa mga post sa social media ang kalidad ng mga face mask, mga test kit, at ang unang bakunang naging available sa Pilipinas na Sinovac vaccine mula China.
Base din sa findings, nagsimula ang anti-vaccination effort ng US military noong tagsibol ng 2020 at lumawak pa sa mga bansa sa Southeast Asia bago ito itinigil noong kalagitnaan ng 2021.
Samantala, ipinaliwanag ni Health spokesperson Ass. Sec. Albert Domingo na mayroon na ring nailathala at peer-viewed studies katulad ng Tejero et al. sa BMC Public Health kung saan napag-alaman na ang mga desisyon sa pagbabakuna sa mga Pilipino ay tinukoy sa pamamagitan ng kanilang edad, educational attainment, health insurance, employer requirement, mataas na kamalayan sa sakit, at mataas na antas ng kumpiyansa sa bakuna.