-- Advertisements --
image 296

Inihayag ng Department of Agriculture na sinampahan ng kaso ang kapitan at mga tripulante ng MV Sunward matapos silang mahuli na nagtangkang magpuslit ng P240 milyong halaga ng refined sugar mula Thailand patungo sa Pilipinas.

Sinabi ng Department of Agriculture na pormal na nagsampa ng kasong agricultural smuggling ang Office of the Assistant Secretary for DA Inspectorate and Enforcement noong Pebrero 9 sa Office of the Provincial Prosecutor ng Batangas City.

Kung matatandaan noong Enero, nahuli ng mga tauhan ng Customs Police Division-Enforcement and Security Service (CPD-ESS), Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), at Philippine Coast Guard (PCG) ang barkong may dalang asukal sa paligid ng Bauan at Mabini breakwaters sa Batangas.

Sinabi naman ng Bureau of Customs na naka-consign sa Stone Int’l ang nasamsam na puting refined sugar na may net weight na 50 kilo bawat bags mula sa shipper ng Thailand.

Ayon sa departamaento, bagama’t sinabi ng kapitan at tripulante ng MV Sunward na ang barko ay patungo sa Taiwan, ang datos mula sa National Coast Watch Center (NCWC) ay nakasaad na ang kontrabando ay patungo sa Batangas at ang kanilang Automatic Identification System (AIS) transponder ay diumano’y na-off sa loob ng Spratly Islands.

Dagdag dito, sinabi rin ng mga awtoridad na kulang ang kargamento sa import permit na ibinigay ng Sugar Regulatory Administration (SRA) at ang notice of arrival mula sa Bureau of Customs.

Una na rito, isiniwalat ng Department of Agriculture na kasama sa crew ng barko ang isang Pinoy, anim na Indonesian, at pitong Chinese nationals.