CENTRAL MINDANAO-Lumabas na pawang kasinungalingan, paninira at maituturing na fake news ang ipinapakalat ngayon ng kampo ni Vice Mayor Jivy Roe Bombeo at ng Facebook page na North Cotabato Daily sa umano ay mayroong unliquidated na P1 Billion pondo ng City Government noong taong 2020.
Mismong ang COA na ang nag-aabswelto at naglinis ng pangalan ni City Mayor Joseph A. Evangelista at mga department heads ng City Government sa inilabas nitong mga Statement of Audit Suspensions, Disallowances and Charges o SASDC na inisyu ng ahensya para sa March 31, June 30, September 30 at December 31, 2021.
Lumalabas na liquidated at walang bahid ng anumang iregularidad ang lahat ng ginastos sa paglaban nito sa COVID-19 at iba pang pangunahing proyekto na ipinatupad ng City Government para sa ikabubuti ng mamamayan.
Mismong ang State Auditors ng COA Regional Office 12 ang sumulat kay Mayor Evangelista at City Accountant Gina Ong, CPA na nagse-sertipika na LIQUIDATED ang lahat ng ginastos ng City Government of Kidapawan sa pagpapatupad ng mga hakbang laban sa Covid at iba pang proyekto.
Dahil dito, lumalabas na paninira lamang ang ginawa ng kampo ni VM Bombeo at North Cotabato Daily gayung maliwanag naman sa report ng COA na ginamit ng tama ng City Government ang pondo nito.
Payo ngayon ni Mayor Evangelista sa mga Kidapawenyo na huwag paniwalaan ang kasinungalingang ito at ireport sa Facebook ang anumang mga maling impormasyon o post tulad na lamang ng ginagawa ng North Cotabato Daily na nagpapakalat ng malisyosong post laban sa City Government.
Dagdag pa ng alkalde na huwag nang idamay pa sa mababang uri ng pamumulitika at paninira ang mga kawani ng City Government na tapat na naglilingkod sa lungsod.
Hinahamon din ni Mayor Evangelista si VM Bombeo na sa halip na manira ay magsampa na lamang ng kaukulang kaso sa hukuman kung totoong may basehan ang kanyang mga paratang.