Matapos ang paggunita ng Labor Day kahapon, inanunsyo ng Department of Labor and Employment (DOLE) na may tatlong rehiyon sa bansa ang nagbigay ng umento sa sahod ng kanilang mga lokal na manggagawa.
Ayon kay Labor Sec. Silvestre Bello III, nagkasundo ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board sa Ilocos, Cordillera at Western Visayas na bigyan ng dagdag sahod ang mga kasambahay.
Sa Ilocos at Cordillera region, itinaas ng wage board mula P3,500 sa P4,000 ang minimum pay sa household workers na epektibo noong April 30.
Pareho rin ang umento sa Western Visayas na magiging epektibo naman sa May 8.
Sa ngayon patuloy daw na nire-review ng board ang petisyon ng Trade Union Congress of the Philippines kamakailan na P710 na minimum wage kada araw ng mga manggagawa sa Metro Manila.
Samantala, aabot naman sa higit 1,600 na aplikante ang natanggap sa mga bagong trabaho sa ilalim ng DOLE job fair nitong Labor Day.
Habang nasa 5,000 aplikante pa ang pinagsusumite ng karagdagang requirements para makausad sa kanilang aplikasyon.