Naniniwala ang Department of Labor and Employment (DOLE) na mas importante sa ngayon na hindi mawalan ng trabaho ang mga kawani o mga manggagawa.
Tugon ito ni Labor Sec. Silvestre Bello III kaugnay ng ilang panawagang magtaas na ng minimum wage para sa mga manggagawa sa pribadong sector.
Sinabi ni Sec. Bello, una sa lahat, ang Kongreso ang nagtatakda ng minimum wage at sa ngayon aniya ay wala pang petition for wage increase na nakararating sa kanilang tanggapan.
Ayon kay Sec. Bello, kung sakaling may maghain ng petisyon na itaas sa P750 mula sa kasalukuyang P537 kada araw ang minimum wage, tiyak umanong tatanungin sila o hihingan ng rekomendasyon ng Kongreso.
Nagpasabi na aniya ang Employers Confederation of the Philippines (ECOP) na baka hindi nila makayanan ang dagdag sa minimum wage lalo na ang malaking porsyento ng micro-small and medium enterprises (MSMEs).
Inihayag ni Sec. Bello na baka ang mangyari ay mapilitan ang mga negosyong ito na magsara na lamang na maaaring magresulta sa lalong pagkawala ng trabaho ng maraming Pilipino.
Dahil dito, dapat umano nilang balansehing mabuti ang interes ng mga employer at mga manggagawa.
Sa panahong ito, iginiit ni Sec. Bello na ang nakikita nilang mabisang sitwasyon ay ang status ng employment ng mga manggagawa o hindi sila mawalan ng trabaho kaysa magtaas ng sweldo pero magsasara naman kalaunan ang pinapasukang trabaho.