Dahil sa mga nararanasang mga pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa sanhi ng umiiral na habagat at thunderstorms, hindi pa rin maiaalis ang banta na magkaroon muli ng lahar flows sa mga lugar na malapit sa nag-aalburutong Mt. Kanlaon.
Ito ang inihayag ng pamunuan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology .
Ayon sa ahensya , ang nasabing kalagayan ng panahon ay magdudulot ng mga pag-ulan sa Negros Island na maaaring tumagal pa sa loob ng ilang buwan dahil na rin sa pagpasok ng La Niña.
Ito ang magiging dahilan upang magkaroon ng lahar flow mula sa dalisdis ng bulkan na siya naman dadaloy sa mga kailugan ng Southern Kanlaon.
Dadaan rin ito sa mga una nang dinaanan ng lahar nang magsimulang mag-alburoto ang bulkan.
Pinag-iingat naman ng ahensya ang publiko lalo na ang mga residenteng nakatira malapit sa may bahagi ng ilog sa Southern Kanlaon.