-- Advertisements --

Mas paborable umano para sa Commission on Elections (Comelec) ang umiiral na Martial Law ngayon sa Mindanao para sa nalalapit na plebisito para sa Bangsamoro Organic Law (BOL).

Sa panayam kay Comelec Chairman Sheriff Abas, sinabi nito na malaking tulong sa kanila ang umiiral na Batas Militar dahil mas mahigpit na seguridad ang ipapatupad ng AFP.

Ayon kay Abas, kuntento siya sa naging latag ng seguridad ng AFP at PNP, lalo na sa Cotabato City na tinukoy na hotspot areas, dahil sa intense political rivalry at isinailalim na rin sa Comelec control ang nasabing siyudad.

Sa kabilang dako, epektibo na sa Linggo January 13 ang nationwide Comelec gun ban at magtatapos ito hanggang Hunyo 12.

Sisimulan na rin ang paglalagay ng mga checkpoints sa iba’t ibang lugar sa bansa ito ay para matiyak na walang magbitbit ng mga armas sa panahon ng election period.

Nasa 18 mga lugar naman ang tinukoy ng PNP na mga hotspot areas sa buong bansa dahil sa presensiya ng mga private armed groups at mga naitalang violent incidents.