Umiiyak na raw ang hotel industry sa bansa habang tumatagal ang krisis na dulot ng pandemic.
Pero ayon kay Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat, dapat pa ring respetuhin ang desisyon ng mga local government units kung kelan sila nararapat na magbubukas sa mga negosyo at turismo.
Liban dito lumalabas din sa kanilang survey na 73 percent hanggang 77 percent na mga travellers o turista ang nagsabi na babiyahe lamang sila sa mga tourist spots kung nailatag na ang mga safety at health measures.
Inihalimbawa naman ni Sec. Puyat na sa lugar lamang ng Palawan partikular na sa mga resorts sa Coron, San Vicente at ang sikat na El Nido ay umaabot na sa 40,000 na mga hotel workers ang nawalan ng trabaho.
Sa ngayon aniya, karamihan sa mga resorts sa Pilipinas ay lokal na turista muna sa kanilang mga probinsiya ang pinapayagan bilang bahagi na rin ng dry run.
Todo papuri naman ang DOT sa ginagawa ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na sa buwan pa ng Setyembre magbubukas sa mga turista.
Muli ring binigyang diin ng Department of Tourism (DOT) ang kanilang diskarte sa mga tourist destinations sa bansa na dapat “slow but sure” muna bago buksan ng husto sa pagnenegosyo.