Inamin ni Agoncillo, Batangas chief of police Capt. Danilo Manalo na marami pa rin ang mga residenteng bumabalik sa kanilang mga bahay na iniwan dahil sa Taal eruption.
Sinabi sa Bombo Radyo ni Manalo na hirap silang pigilan ang mga ito dahil sa sari-saring rason ng mga mamamayan.
Ang ilan aniya ay para sunduin ang mga kaanak, habang may iba naman na binabalikan ang kanilang mga kabuhayan.
Dahil dito, binibigyan na lang ng lokal na pamahalaan ng deadline ang mga pumapasok at nag-iiwan ang mga residente ng identification card para sa monitoring.
Hindi rin umano nagkukulang ang mga opisyal sa pagpapa-alala ukol sa panganib na posibleng kaharapin ng mga taong babalik sa kanilang mga bahay.
Patuloy namang tinutulungan ng PNP at rescuers ang mga gustong lumikas mula sa mga barangay na tinukoy na nasa loob ng danger zone.