-- Advertisements --

Tinamaan ng drone strike ang isang armored vehicle ng United Nations na magsasagawa sana ng inspection sa Ukrainian nuclear plant.

Ayon sa UN – International Atomic Energy Agency (IAEA), patungo ang isang grupo nito sa Zaporizhzhia Nuclear Power Plant, nang bigla na lamang itong hinabol ng isang Kamikaze drone hanggang sa tuluyan itong bumagsak at sumabog sa likurang bahagi ng sasakyan.

Nakaligtas naman ang dalawang sakay nito kabilang na ang driver kasunod ng nangyaring pagsabog.

Ayon sa UN, ang pagtungo ng grupo sa naturang nuclear plant ay bahagi ng pagnanais nitong maprotektahan ito mula sa palitan ng bombo sa pagitan ng Russia at Ukraine.

Itinuro naman ni Ukrainian President Volodymyr Zelensky ang Russia na nasa likod ng pagpapasabog sa UN vehicle.

Ayon kay Zelensky, nagpapakita lamang ito ng kawalang pagpapahalaga at pagkilalang Russia kahit pa sa mga international institution tulad ng UN.

Sa kabila nito ay itinuloy pa rin ng naturang team ang pagtungo sa Zaporizhzhia nuclear plant, isang plantang nasa southern Ukraine ngunit nasa ilalim ng control ng Russia mula noong makubkub nila ito, Marso ng taong 2022.