-- Advertisements --

Inaasahang bibisita si UN Secretary-General Antonio Guterres sa border ng Egypt at Gaza ngayong araw matapos mangako ang Israel na magpapadala ito ng kanilang mga sundalo para labanan ang Hamas sa karatig na Rafah city.

Sa pagbisita ng UN chief sa Gaza, plano nito na bigyang diin ang kaniyang panawagan para sa humanitarian ceasefire kahit nabigo ang panibagong international pressure para kumbinsihin ang Israel na huwag ituloy ang plano nitong ground offensive sa Rafah kung saan dito lumikas karamihan ng mamamayan ng Gaza.

Plano ding makipagkita ni UN Chief Guterres sa aid workers sa panig ng Egypt kung saan nasa 1.5 million Palestino ang nagkanlong dito.

Una ng nabigo ang panibagong resolution ng UN Security Council para sa agarang tigil putukan nitong araw ng Biyernes matapos na mag-veto ang China at Russia sa panukala ng US.

Base naman sa diplomatic sources, ang botohan para sa bago at mahigpit na ceasefire agreement na inisyal na nakaplano ngayong araw ng Sabado ay ipinagpaliban hanggang sa Lunes para sa mga karagdagan pang diskusyon ukol dito.

Sa kabila naman ng babala na maaaring magresulta ang naturang operasyon ng malaking bilang ng masasawing sibilyan at magpapalala lamang sa humanitarian crisis na kinakaharap ng naturang teritoryo, nagmatigas si Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu na kanilang ipagpapatuloy ang pag-atake kung kinakailangan kahit walang suporta mula sa Estadong Unidos.