CENTRAL MINDANAO – Lubos ang naging pasasalamat ng Cuyapon Farmers Fisherfolks Organization (CFFO) sa bayan ng Kabacan, Cotabato matapos ipagkaloob ng United Nation-Food and Agriculture Organization (UN-FAO) ang dalawang incubator at hatcher.
Ayon kay MAO Tessie Nidoy, malaki ang tulong ng FAO-UN sa bayan ng Kabacan sa usapin ng agrikultura.
Laging nakaantabay ang FAO sa bayan upang magkaloob ng mga programa at proyekto.
Dagdag pa nito, sa pamamagitan ng incubator at hatcher na ipinagkaloob sa CFFO ay makakatulong ito sa adhikain ng nasabing grupo upang mapataas ang bentahan ng itik sa kanilang lugar.
Nagpaabot naman ng pasasalamat si Municipal Administrator Ben Guzman sa FAO.
Aniya, hindi binibigo ng FAO ang mga residente ng Kabacan sa usapin ng agrikultura.
Hinikayat din nito ang ibang mga grupo at magsasaka’t mangingisda na bisitahin ang Municipal Agriculture Office upang malaman ang mga proyekto at programa ng mga ahensya sa agrikultura.
Samantala, ipinagpasalamat naman ni CFFO representative Luz Bigsang ang proyektong ipinagkaloob ng FAO.
Aniya, maliban sa salted egg, malaki ang maitutulong nito lalo pa’t abot sa mahigit tatloong daang itlong ang kaya ng isang makina upang maging produkto tulad ng balot o ibenta bilang sisiw.